TALUMPATI - (Filipino: Wikang Mapagbago)
Nakatagpo
ka pa ba ng taong matatas manalita sa wikang taktak atin? Nagsasalita ka pa ba
ng purong Filipino bilang medyum ng pakikipagtalastasan? Nagagawa mo pa bang
kumustahin ang wikang Filipino? Huwag magtataka na baka isang araw, mamumulat
ka na lamang sa katotohanang ang ating wika ay nabaon na sa limot ng
nakararaming mga Pilipino.
Masalimuot
ang naging buhay ng ating wika. Maraming salita ang namatay kasabay ng paglipas
ng panahon. Nakakalungkot man sa parte ng mga paparating na siglo ngunit huwag
pangangamba sapagkat hindi maaalis ang katotohanang upang umunlad at marating
ang tagumpay kung minsan mayroong kailangang bitawan at isakripsiyo habang naglalakbay
na maabot ang tagumpay na ito. Upang hindi mapag-iwanan ng panahon, gaya ng
taong patuloy na nakikipagsapalaran sa mabilis na pagbago ng lipunan, ang wika
ay kinakailangan din makipagsabayan sa pagbabagong ito. Kung kaya’t hindi
maiiwasan ang hindi pagkakaintindihan kapag ito na ang ating pinag-uusapan ngunit
hindi natin maikakaila na dahil sa wikang ito, nagkakabuklod pa rin tayo. Isa
sa ating ipinagmamalaki ang yaman ng ating wika. Ang napakaraming baryedad na
patuloy na sumisibol ang siyang mas nagpapaganda sa wikang atin. Kung kaya’t
ang tema sa taong ito ay tunay na angkop sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa
ating wika. Filipino: Wikang Mapagbago. Sa napakaraming salik na
nakakaimpluwensiya sa tao, isa narito ang medyum na ating ginagamit sa
pakikipag-usap sa ibang tao. Ito ang nagsisilbing tulay upang lahat ng mga
dapat ilahad sa kausap ay maiparating nang matagumpay. Mapagbago sapagkat
nagkakaroon tayo ng daan upang ang ating mga hinuha at opinyon ay maipahayag
gamit ang sariling wika. Nagagawa nito na baguhin ang prinsipyo at pananaw nang
nakararami at mapukaw ang kanilang diwa sa kung ano ang tama sa mali at ang
dapat sa di dapat. Mapagbago sa aspekto ng estruktura at kahulugan upang
makibagay sa panibagong henerasyon. Kailangan ng wika ang kakayahang makibagay
upang maging in pa rin sa kabataan sa kasalukuyan. Nakakapangambang isipin ang
posibilidad na matulad ang ating wika sa wikang latin na ngayon ay tinatawag
nang patay na wika sapagkat wala ng nangangahas na ito’y paunlarin at gamitin.
Huwag sana umaabot sa puntong iyon ang ating wika. Ang pagsasalita ng wikang
Filipino ay hindi dapat kinakahiya. Nakakapanglumo ang katotohanan na nakatatak
na sa isipan ng mga Pilipino ngayon.Tulad na ang basehan na nang talino at
estado ay ang bihasa sa paggamit ng lenggwahe ng ibang bansa. Ikaw ay bida kung
marunong kang gumamit ng salita ng iba. Nakakabastos sa wikang Filipino. Bakit
parati nating isinisiksik ang ating sarili na makiangkop sa ibang bansa na kung
tutuusin maging sila ay may pagkamangha sa ating wika. Hindi ito makita ng ibang
Pilipino dahil sila ay nagbubulagbulagan sapagkat ang mahalaga sa kanila, sila ang tinitingala ng nakararaming hindi
eksperto sa wikang banyaga. Ayon pa nga kay Propesor Ernesto Constantino,
“Kapag nabaog ang pag-unlad ng ating kaisipan gawa ng paggamit ng banyagang
wika ay mababaog din ang pag-unlad ng ating wika”. Hindi yayabong ang ating
bansa maging ang ekonomiya kung ang ating isipan ay nabulag na ng wikang
banyaga. Huwag nating hayaan na balutin tayo ng ibang wika. Ang dapat na
nakabaon sa ating isipan ay ang magkaroon ng sariling bantayog ang ating wikang
Flipino.
Ako
ay umaasa pa rin sa mga panahong darating na mamumulat ang diwa at sistema ng
mga Pilipino na ang tunay na basehan ng pagka-pilipino ay ang yakapin ng buo
ang wikang Filipino. Samakatuwid, sa kabila ng palihim na pagtatangka sa
pagkitil sa ating wika, ito pa rin ay patuloy na mabubuhay at magbabago.
Taas
noong ipagmalaki sa wikang banyaga na tayo ay hindi aatras na ipaglaban ang
wikang tatak atin. Patuloy tayo na mangangahas na lagutin ang kolonyal na
prinsipyo na gumagapos sa ating wika at isipan. Magbago man ang lahat lahat, wag
lamang ang pagmamahal natin sa wikang tatak atin. Sa pakikibaka na marating ang
tuktok ng tagumpay nating Pilipino, huwag sana nating kalilimutan sa mga
panahong iyan na isigaw ang wikang Filipino.
Comments
Post a Comment